Mahal naming Bise Presidente Leni,
Noong nanalo po kayo bilang Bise Presidente, hindi ko po maiwasan maisip na may pag-asa pa ang Pilipinas. Dahil sa sangkatutak na nakaw na pera na hindi pa naibabalik ng mga Marcos sa kaban ng bayan at siyang ginagamit ni Bong Bong para suhulan ang mga botante at mga bayaran sa social media, wala po kayong kalaban-laban. Ngunit sa kabila ng pambihirang nakaw na yaman na nagpupumilit na ipanalo si Bong Bong at biguin ang tunay na demokrasya ay umiral pa rin ang katotohanan at kayo ang nahalal bilang Bise Presidente ng Pilipinas.
Mahalaga na maunawaan ng sambayanang Pilipino na maihahambing ang kampanya ninyo laban sa kampanya ni Bong Bong kay David at Goliath. Wala po kayong ka pera-pera upang ilunsad ang inyong kampanya subalit walang hangganan ang kaperahan ng nakaw na yaman ng mga Marcos na pinapalimos lamang ni Bong Bong (lalong-lalo na sa mga pinakamahirap at pinaka-mangmang sa ating lipunan) para gawing perahan at putahan ang ating demokrasya at bilhin ang posisyon ng Bise Presidente. Sa madaling salita, kung hindi dahil sa nakaw na yaman ng mga Marcos na siyang pinagmulan, pinagkukunan at nagbibigay-buhay sa pampulitikang karera ng mga Marcos (tulad ni Bong Bong, Imee at Imelda) ay tiyak na nilampaso ninyo ang boto na pabor sa inyo bilang Bise Presidente.
Ang pinapalabas ng mga Marcos na malapit ang labanan ninyo ay isang malaking kasinungalingan at kawaling-hiyaan, tulad ng karamihan ng mga pahayag nila. Kung naibalik ang nakaw na yaman ng mga Marcos at tanging patas ang labanan, siguradong patay na ang karera sa politika ni Bong Bong o sino man sa mga Marcos. Ngunit dahil wala pang US$4 billion ang naibalik at napakalaki pa ang halaga ng nananatili sa at pinagsasasaan ng mga Marcos, pera-perahan, baya-bayaran at suhu-suhulan ang kanilang patakaran upang budburan ng katakot-takot na pabango ang kanilang mabaho at bulok na angkan.
Ang importante ay kayo ang nagwagi at may pag-asa ang Pilipino! Pagkatapos kong samsamin ang inyong pagkapanalo ay naramdaman ko naman ang awa, dahil, sa gusto niyo o hindi, ay napakalaki ng responsibilidad na napatong sa inyong balikat--pati na rin sa inyong mga anak na babae. Bakit kasi ang pinakamabubuting tao ang maagang dinudukot ng Maykapal? (Tinuturi ko po ang inyong mabuting asawa.) Nakapagtataka naman kung bakit hindi pa hugutin at hampasin ng demoniyo sa impiyerno ang mga tulad ni Tanda, Boss Danding, Erap at Binay?
Napakabigat at napakahirap ang inyong kasalukuyang kalagayan bilang Bise Presidente. Tulad ng nakararaming Pilipino, nais po ninyong suportahan ang Pangulo, dahil ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng buong bayan. Ngunit tulad din ng nakararami at mas dumadaming Pilipino, tiyak na nakikita na ninyo (mas maliwanag pa po sa sikat ng araw) ang kasiraan na idinudulot at higit na idudulot pa ng Pangulo, lalong-lalo na sa mga gawaing nagpapalakas sa hanay ng mga Marcos. Kasama na rito ang kapansin-pansin na pahayag ng Pangulo na nais niyang magtagumpay si Bong Bong sa pagpalit sa inyo bilang Bise Presidente. Samantala puro kabastusan ang mga sinasabi ni Digong kaugnay sa inyo na nakaka-insulto hindi lamang sa inyo, kung hindi sa buong kababaihan, sa Opisina ng Pangulo at sa buong sambayanang Pilipino.
Mam Leni, ayaw ko pong dagdagan ang inyong problema pero kailangan na kailangan po kayo ng ating mamamayan. Hindi na po bilang Bise Presidente, pero bilang Lider ng Bayan upang paalisin si Digong. Opo, nagkataon ay ikaw ang magiging Pangulo pagkatapos mapatalsik si Digong. Siguradong ibabatikos ng mga maka-Digong at maka-Marcos na gusto niyo lamang mag-agaw ng kapangyarhian (na hindi naman totoo), ngunit dapat lang ito mangyari dahil kayo ang tunay na nahalal na Bise Presidente.
Kailangan ng Bayan ngayon ay ang mangunguna sa oposisyon laban kay Digong, samanatalang pinapaspasan niya ang pagpapalakas sa mga hanay ng Marcos. Kung patatagalin pa natin ang pagka-Pangulo ni Digong ay tiyak na si Bong Bong ang magiging susunod na Pangulo ng Pilipinas at muling malulunod ang Bayan sa impiyerno.
Ang kasalukuyang desisyon ng Korte Suprema na payagan ang paglibing ng diktator sa Libingan ng mga Bayani, bagamat hindi pa pinal, ay siyang mitsa ng ating paghihimagsik. Tiyak na hindi na magbabaliktad ang Korte Suprema o si tutang Digong dahil sa pagpupumilit na utos ng mga Marcos.
Ang pangunahing tagapagsalita ni Digong na si Martin Andanar ang nagtawag na "temperamental brats" sa mga tumututol sa paglibing ng diktator sa Libingan ng mga Bayani--karamihan ay nakaranas ng pag-aabuso sa panahon ng diktatorya. Samantala ang pamilya ng diktator ay nagpakasasa sa panahon ng diktatorya hanggang sa ngayon sa nakaw na yaman na galing sa kaban ng bayan. Sila pa ang nagpupumilit na ituring bayani ang magnanakaw at diktator. Ang tanong kay Andanar, sino ngayon ang brat at sino ang nararapat na pigilan na makabalik sa poder?
Hindi natapos ni Erap ang kahit kalahati ng kanyang termino dahil sa kanyang pandarambong. Pera ng kaban ng bayan ang ninakaw ni Erap at, dahil dito, siya ay sinibak ng tao. Labis na malala ang kasalanan ni Digong. Hinahain niya sa pilak na pinggan ang integridad at kaluluwa ng sambayanang Pilipino para lamunin ng demonyo at, dahil dito, dapat siyang patalsikin sa mas lalong madaling panahon.
Ang problema ay, dahil sa kalalilam at kalubhaan ng katiwalian sa pamahalaan noong panahon ni Marcos (na napakahirap ituwid) at sa katagalan ng panahon, nalusaw ang ating paninindigan noong sinuka natin ang Diktador at tuluyang bumabalik na nga ang lahat ng kasinungalian at pag-aabuso sa gobyerno. Higit pa rito ay wala na halos pinagkakatiwalaan ang mga mamamayan at napapaniwala pa sila ng mga pinakamasahol na politiko tulad ng mga hanay ni Marcos na kasama si Digong.
Bagamat gusto ng karaniwang mamamayan magkaisa laban kay Digong at mga Marcos, watak-watak at hindi makipag-ugnayan ang mga sari-saring grupo ng oposisyon. Itong kakulangan sa pagkakaisa ay nakikita at pinagsasamantalahan ng mga Marcos na gamit-gamit si Digong. Palibhasa ay pera-perahan at baya-bayaran lamang ang pag-aalyado ng mga Marcos (sa mga Enrile, GMA, Danding, Binay, Erap, Misuari at iba pang masasahol na pamilyang pulitika sa Pilipinas) ay napakabilis nila makabuo ng alyansang pangungunahan ni Bong Bong upang sunggaban at paghatian ang kaban ng bayan sa unang pagkakataon.
Mam Leni, kayo ang kailangan para magkaisa ang mamamayang Pilipino at hindi maulit ang madilim na panahon ng mga Marcos sa Pilipinas. Opo, kailangan natin sina Satur Ocampo at Neri Colmenares ng Bayan Muna, sina Bonifacio Ilagan ng CARMMA, sina Edcel Lagman at Teddy Baguilat sa Kongreso, sina Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Bam Aquino sa Senado, Akbayan, Makabayan, FVR, P-Noy, Mar, UP, Ateneo, La Salle, lahat ng paaralang pribado at pampubliko, Maris Diokno, Etta Rosales, Leah Navarro, Sharon Cuneta, Makati Business Club, ang mga Pula, ang mga Dilaw, Bangsamoro, ang mga biktima ng mga Marcos at ng Batas Militar, ang mga biktima ng EJK, civil libertarians, professionals, millennials at marami pang iba na naghahangad ng lipunan na ligtas sa kultura ng kasinungalingan, panloloko, gahaman, pandarambong at pag-aabuso ng mga Marcos. Ngunit kailangan namin kayo upang maisantabi ang anumang pagkakaiba o alitan para sa kabutihan ng lahat.
Inaasahan ni Digong at ng mga Marcos na mananatiling watak-watak ang oposisyon at madaling pigilan o wasakin. Tulad ng kasabihan, "United we stand, divided we fall." Kung hati-hati, tayo ay babagsak. Ngunit sa pangunguna ninyo, Mam Leni, tayo ay magkakaisa at magtatagumpay laban kay Digong at sa mga Marcos!
Sana ay bigyan ninyo ng pansin ang hinahangad ng nakararaming Pilipino na namulat na sa tunay na kalagayan ng ating Bayan sa ilalim ni Digong at ng mag Marcos.
Maraming salamat po.
No comments:
Post a Comment