Friday, August 11, 2017

The best defense is a good offense . . .

Lalong-lalo na kapag walang kaubusan ang sangkatutak na nakaw na pera ng mga Marcos ang gamit sa panlaban. Ito ang ating nasasaksihan ngayon harap-harapan sa kasalukuyang demolisyon laban kay VP Robredo, Chief Justice Sereno at COMELEC Chairman Bautista--na sinusuportahan ni Digong.

Matagal ko nang sinabi na kung hindi bayaran ang karamihan ng mga associate justices sa Supreme Court ay walang pag-asa na umusad ang electoral protest ni Bong Bong sa simpleng dahilan na hindi pa naibabalik ng mga Marcos ang ninakaw nila sa kaban ng bayan. Bariya lamang ang US$3.6 billion na na-recover ng PCGG sa loob ng nalipas na tatlong dekada, samantalang mahigit pa sa US$10 billion ang tinangay nila sa kaban ng bayan noong sila ay sinuka ng sambayanan noong 1986.

Kung kalkulahin natin yung interest ng natirang nakaw ng mga Marcos ay marahil umaabot na ito ng US$40 billion ngayon--sobra-sobra para suhulan ang lahat ng putahang opisyal, politiko, negosyante, media, blogger, komunista, civil society at botante sa buong Pilipinas na pinangungunahan ni Digong, karamihan ng mga associate justices sa Supreme Court, mga nagpapanggap na civil society tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Vanguard of the Philippine Constitution Inc. (VPCI) atbp (mga tuta-tutaan ng mga Marcos) at ni Patricia Bautista (asawa ni COMELEC Chairman Bautista na nagpagamit din kay Marcos).

Kailan ko lang nabalitaan na hindi pinayagan ng Supreme Court na tumulong ang mga supporters ni VP Robredo sa pagbayad ng P7 million protest fee kaugnay sa election protest ni Bong Bong; samantalang mas mabilis ba sa alas kwarto na tinanggap ng Supreme Court ang P36 million na recount fee na nanggaling kuno sa mga "donors" na "friends and supporters" ni Bong Bong. Ang dating nito ay mas-OK pa na tanggapin ang nagapagtatakang nakaw na pera ng mga Marcos na galing daw sa 40 bilang na "donors" kompara sa libo-libong mamamayan na karamihan ay nagdonate ng P100 pababa para makatulong kay VP Robredo.

Hindi na po ako nagugulat dahil matagal nang garapalan at kawalang-hiyaan ang patakaran sa Supreme Court. Ibig nilang lampasuhin ang karapatan ni VP Robredo bilang tunay na Bise Presidente (at ang karapatan ng nakararaming mamamayan na bumoto sa kanya) para lamang pagbigyan si Bong Bong at pairalin ang tunay na mandaraya na nagpupumilit na agawin ang hindi nararapat sa kanya. Ganyan talaga ang mga lahing magnanakaw na mga Marcos na ang kakambal ay sinungaling at mandurugas. Pera-perahan na lang kasi sa Supreme Court at dahil walang katapusan ang pagsusuhol ng mga Marcos (samantalang wala naman maiabot at talagang hindi magsusuhol si VP Robredo) sa mga putahang mahistrado, alam na natin kung sino ang papanigan ng Supreme Court at sobrang garapal ang kanilang pagpapakita at pagpapasiya ng hindi makatarungang pagpabor sa mga Marcos.

Hindi nagtagal pagkatapos ng talumpati ni CJ Sereno sa commencement ng Ateneo de Manila University noong May 26, 2017 na ibinunyag ng mahistrado ang kanyang pananaw kaugnay sa mga masasahol na gawain ng mga Marcos na tinutularan ni Digong at nag-umpisa na ang pag-ugong ng "demolition job" laban sa kanya. Mabibilang sa ilang daliri ng isang kamay ang mga mahistradong sa Supreme Court na hindi pa bumibigay sa pagsusuhol o pananakot ng mga Marcos. Isa na dito si CJ Sereno.

Nakapagtataka naman ang VACC. Kung tunay silang lumalaban sa krimen at korapsyon, bakit hindi nila kasuhan ng kasuhan ang mga Marcos sa kanilang pandarambong at paglabag sa karapatang pantao? Kung tunay na taliba ng Saligang Batas ang VPCI, bakit hindi nila isulong at ipaglaban ang Anti-Dynasty Bill na matagal nang binabalewala ng Lehislatura at nagpapalakas lamang sa mga politikang pamilyang mandarambong na tulad ng mga Marcos, Enrile, Cojuangco, GMA, Binay at Erap? Sa halip ay pupunteriahin ng VACC at VPCI ang mga administrative lapses ni CJ Sereno bilang basehan ng impeachment complaint laban sa kanya na hindi naman maaaring gawin sa ilalim ng batas--kaya naman wala ni isang Kongresista (na karamihan ay mga tuta at bayaran din ng mga Marcos at ni Digong) ang sumuporta sa nasabing impeachment complaint. Tingnan natin kung anong kalalabasan ng pangalawang pangperwisyong impeachment complaint kasalukuyang isasalang laban kay CJ Sereno na gawain ni Atty. Larry Gadon (tuta rin ni GMA at ng mga Marcos).

Sa panahon ni Mr. Bautista bilang COMELEC Chairman, ang COMELEC ay kinilala ng isang international think tank sa namumukod na paganap ng May 2016 elections. Isa siya sa hindi masuhulan ng mga Marcos para ipanalo si Bong Bong bilang Vise Presidente.

Bago na-appoint si Mr. Bautista bilang COMELEC Chairman, siya ang namuno bilang Chairman ng PCGG. Bukod kay Haydee Yorac, isa si Mr. Bautista sa nagpursige na masauli ang nakaw na yaman ng mga Marcos. Sa huli ay sumuko rin si Mr. Bautista dahil sa lakas ng puwersa ng batalyong pinakamatinik na bayarang abogado at mga taksil at bayaran sa PCGG na pinoprotektahan ang mga Marcos. Kaya ganoon lang ang galit ng mga Marcos kay Bautista at tuluyang pinagsamantalahan ang personal na krisis ng mag-asawang Bautista upang baliktarin ang sitwasyon at idiin si Mr. Bautista.

Sabihin pa natin na tutuong magnanakaw si Mr. Bautista, walang sinabi ang umanoy ninakaw niyang P1 billion sa ninakaw ng mga Marcos na US$10 billion (na ngayon ay marahil US$40 billion na ang halaga). Pero sa halip na tutukan ng pamahalaan ang kilalang dambuhalang nakaw ng mga Marcos ay tututukan nila ang kakarampot na bariya ni Mr. Bautista--dahil sa pagmamaniobra ng mga Marcos na sinusuportahan naman ni Digong.

Sa palagay ba ninyo na kung naibalik ng mga Marcos yung ninakaw nila ay mayroon pa silang matitira para sa pambihirang makinaryang politika na nailunsad nila para sa kanilang karera sa politika at para sa pagwasak sa mga lehitimong oposisyon tulad ni VP Robredo, CJ Sereno at Chairman Bautista--na may kasamang basbas pa ni Digong? Sa dami nilang ninakaw, walang kaubusan ang kanilang pambayad sa isang batalyong cyber trollers na nagpapalaganap ng fake news at revisionist history upang nilisin ang masasahol na gawain ng mga Marcos noon at hanggang ngayon. Get Real Philippines (GRP), Pinoy Monkey Pride, BongBong Marcos United ay ilan lamang sa karami-raming internet content, blogs at cyber trollers ng kasinungalingan na bayaran ng mga Marcos.

Sa madaling salita, tanging nakaw na yaman ng mga Marcos ang sa likod ng mga masasahol na pangyayari na nagpupumilit na ibalik ang mga Marcos sa Malacanang upang gahasain muli ang sambayanang Pilipino. Kung naibalik sa kaban ng bayan ang nakaw na yaman ng mga Marcos, wala silang pansuhol sa Supreme Court at hindi papansinin (dahil hindi nararapat na pansinin) ang election protest ni Bong Bong, wala silang pambayad sa mga tuta-tutaan na VACC, VPCI atbp, wala silang pasuweldo sa mga abogado na nagpoprotekta sa kanilang nakaw na yaman, wala silang pambayad sa mga cyber trollers ng kasinungalin, wala silang maiaalok kay Patricia Bautista na siraan ang kanyang asawa at wasakin ang kanilang pamilya, wala silang pansuhol kay Digong para suportahan ang bawat hakbang nila na makabalik sa Malacanang.

Maaaring nasisiraan na ako ng ulo dahil parang kakaunti na lamang sa ating lipunan ang nakakakita at nakakapuna ng kasamaan na isinusulong ng mga Marcos na mas malinaw pa sa kabuuan ng buwan.